On Pandy Aviado

Gemini Rising (Pandy Aviado)
What did you see in the painting while working on it?
Sa komposisyon, nakikita ko yung balance ng Gemini Rising. Nakikita ko yung order kahit na misteryoso yung mga imahen. Mahirap makuro kung ano talaga yung mga imahen. Pero parang may malinaw rin namang mahihiwatigan sa mga ito. Gusto ko yung ganoong katangian ng mga imahen, yung sa pagtingin sa obra, aakitin ka o hihibuin na tiyakin kung ano yung nakikita mo, yung pagnanais ng kamalayan na may matukoy, pero hindi mo matitiyak, kahit na—at kaya ka—magpapabalik-balik sa pagtingin. Ayaw maniwala o lubos na naniniwala na “dinadaya” ka ng nakikita. Tipong kay lawak din ng painting ni Sir Pandy para sa akin. Kahit na kinukulong ng kuwadro, parang nakikita ko na kay haba pa ng lupain o ground na kinalalagyan ng mga imahen at marami pang ganoon ding mga imaheng nakakalat (na, seemingly, may kaayusan) doon na siyempre hindi na natin nakikita sa kambas. Ito yung ilan sa tinangka kong likhain muli sa aking tula at yung iba pa, umaasa ako na mababasa o makikita rin sa tula.
Discuss the effect of the work of art on you.
Sa paulit-ulit na pagtingin sa painting (salamat at ipinahiram sa akin ni Sir Pandy ang orihinal), hinayaan kong “mangusap” ito sa akin. Hinayaan kong maging bukas ang aking isipan upang hindi lamang ang kamalayan ko ang magtangkang umabot sa nakikita ko kundi maging ang obra rin ang umabot sa aking isipan at pandama. At hiwaga ang pangunahing bisa nito sa akin. Pinapag-isip akong mabuti. Ang katangi-tangi, tila may kontra-pakiramdam ding hindi naman talaga ganap na mahiwaga ang mga imahen sa painting. Parang ganoon lamang talaga, kung anuman ang mga ito, halimbawa ay pambihirang mga halaman o prutas, wala nang iba pa. Subalit, agad din namang bibitaw sa diwa ang ganitong persepsiyon ko, upang muli ay manatiling mahiwaga sa akin ang mga imahen. Sa isang pagkakataon, halimbawa, ay tila dadapo sa aking balat ang “mga ibon o prutas na may mata” at magpapagapang ng munting kilabot sa aking balat.
How did your partner and his works inspire you?
Sa pagbisita sa kaniyang website (www.pandyaviado.com) at sa kaniyang studio/bahay sa West Avenue, nakita ko kung gaano kaseryoso si Sir Pandy sa kaniyang sining bagama’t tipong hindi niya siniseryoso ang kaniyang sarili. Cool na cool na mama na bagama’t puwede ko nang maging tatay e ngayon, kung hindi kalabisan, masasabing kabarkada ko na. Natuwa ako at na-inspire na masugid na nakasubaybay pa rin si Sir Pandy sa kontemporanyong sining bagama’t masaklaw rin ang kaniyang kaalaman sa nakalipas at sa kabila ng kaniyang mga nagawa at nakamit ay patuloy pa rin niyang hinuhubog, pinapagbabago ang kaniyang sining. Hindi siya maikakahon sa iisang estilo/moda. Marami siyang interes na kaugnay ng pagpipinta at ang kaniyang kamalayan ay masasabing patuloy na nagsu-subscribe sa moderno/post-modernong kaisipan/pilosopiya. Nag-usap kami tungkol sa pelikula, musika, panitikan, at iba pang bagay. Hindi siya naiiwan ng panahon at sining, na isang katangiang kahanga-hanga at patuloy na nakapagbibigay ng enerhiya sa kaniyang mga likha at sa ibang artists o writers.

Pandy Aviado, sa kaniyang studio, 2009
Filed under: Mga Tala | 2 Comments
Tags: Gemini Rising, Pandy Aviado

this particular work reminds me of frida kahlo