Kagabi pinanood namin ang Leon, aka The Professional (Luc Besson, 1994). Ikalawang panonood ko na, dahil napanood ko ito noong ipalabas dito—1995  o 1996—hindi ko matandaan ang eksaktong taon. Dati meron akong maliit na notebook na pinaglilistahan ko ng mga pelikulang napanood ko. Nakalista roon ang taon ng pagkagawa, direktor, mga artista, mga mahalagang tala at linya; sayang, hindi lang naiwala ko ang notebook na iyon kundi hindi ko na rin napanatili ang ganoong gawi ng paglilista/pagtatala [kaya ako nagba-blog ngayon] bagama’t patuloy ko pa ring sinisikap na mag-notebook.

 

Pinanood ko ang The Professional  sa Masagana Citimall Cinema sa Libertad sa Pasay. Tumira kasi ako dati sa kapatid ko sa Buendia na malapit sa Libertad. Mga isang taon siguro kami roon. Kabubukas lang ng Masagana Citimall noon, kaya masarap manood, malamig at malinis pa ang sinehan. Saka trenta pesos pa lang yata ang tiket sa sine. Estudyante akong adik sa sine noon. Kahit anong sine lang, walang pinipili (doon ko rin napanood ang Judge Dredd, ha-ha). Madalas mag-isang nanonood at eksaktong pantiket lang ang pera ko, nasobra sa baon.

 

Nitong mga ilang buwan lang, nakabalik ako sa Libertad, may dinalang trabaho sa St. Mary’s Academy. Mahigit isang dekada at tila walang ipinagbago ang lugar, maliban sa Puregold na ang dating Masagana Citimall (na nasunog naman kailan lang). At marami nang nagbebenta ng mga pirated DVDs sa bangketa.

 

Hindi ko na rin halos maalala ang takbo ng Leon habang pinanonood namin kagabi. Bagama’t alam ko pa ang banghay nito at alam ko ring ito ang unang pelikula ni Natalie Portman (Mathilda), at naibigan ko noon ang bidang asesinong si Leon (Jean Reno) na umiinom ng gatas, nag-aalaga ng halaman, at natutulog nang nakaupo.

 

Sa kabuuan, mas nasiyahan ako sa ikalawang panonood na ito. Mas napahalagahan ko ang pelikula. Halimbawa, mas napahalagahan ko ang namuong relasyon nina Leon at Mathilda. Si Mathilda na ilang beses sinabing tila umiibig na siya kay Leon (resulta marahil ng pagliligtas ni Leon sa buhay niya, pagkalinga, at pagiging father figure sa kaniya) bagama’t hindi siya tinutugon nito. At si Leon na dahil kay Mathilda ay nagkaroon muli ng pagkakataong makipag-ugnay nang “matalik” sa isang tao. Kung dati ay ang mafiosong si Tony [Danny Aiello] lamang ang kinakausap niya dahil ito ang pinagmumulan ng kaniyang “trabaho,” nabago ito nang makasama niya si Mathilda, nagkaroon siya ng, sabi niya, “a taste of life.”

 

Ang palitan nila ng “I love you” sa dulong bahagi ng pelikula ay tila umiigpaw sa “romantikong pag-ibig” bagama’t para sa akin ay nananatili pa ring tila nasa ibabaw lamang (maaaring romantikong pag-ibig pa rin), na mas alanganin at delikado, at kung gayon ay mas katangi-tangi.

 

Maraming pelikulang inuulit-ulit ko ang panonood, subalit ngayon lang yata nangyaring may pelikulang muli kong napanood makaraan ang matagal-tagal na panahon—mahigit isang dekada. At nakalulugod naman ito.      



8 Responses to “Lugod sa Muling Panonood ng Leon ni Luc Besson”  

  1. 1 znecniv

    Hi Ayer–

    Di ko na maalala kung kailan ko unang napanood ang The Professional (siguro sa isang European o French filmfest noong 1996/97); naalala ko, though, yung pangalawa (rented laser disc mula sa Video Take Out, Makati Cinema Square noong 1997) at pangatlo (DVD na galing Quiapo noong 2006/07).

    Ang isa sa mga naaalala kong eksena ay yung tinuturuan ni Leon si Matilda gumamit ng armas. Nagsisimula ang apprentice gamit ang sandatang pangmalayuan (i.e., rifle). Kapag na-master na niya iyon, sasanayin na siya sandatang pangmalapitan (i.e., pistol at patalim).

    Lumitaw sa eksenang iyon ang relasyon ng intimacy at pagpatay: para sa bihasang asesino, halos walang namamagitan sa kanya at ang kanyang kalaban, halos maaari niyang bulungan ang kalaban habang nakatutok ang patalim sa kanyang leeg.

    Salamat sa pag-post mo at naalala ko muli ang sineng ito.

  2. 2 mabidavid

    Napanood ko siya sa Greenbelt 1, kasama ang isang bading na nagpupumilit pagkatapos na siya si Mathilda.

    Isa sa pinakagusto kong eksena ay ang pag-alaga niya ng halaman. Lublob–nakatutok.

  3. 3 ayerarguelles

    hi vince,

    maganda yung binuksan mong relasyon ng intimacy at pagpatay. napukaw ako dahil ang susunod kong proyekto, ahem, ay may kinalaman sa intimacy. :)

    nabasa ko na ang email mo, nag-aral ka pala dun. daming chicks dun hehe, babe-watching ang isa sa paborito kong libangan nung nakatira pa kami dun. madalas kasi nilalakad ko lang yung libertad hanggang dominga, buendia.

  4. 4 ayerarguelles

    mamu,

    ako rin gusto kong maging si leon nung una kong mapanood yun, as in gusto kong bumili ng houseplant at matulog nang nakaupo with dark glasses on. ang natupad lang ay ang pag-inom ko ng gatas paminsan-minsan.

    kaya ngayong 2nd watching, mas gusto ko na ring maging mathilda hehe.

  5. 5 mabidavid

    Baliw! Kay Vince babe watching ka. Sa akin feeling Mathilda (parang banda). No such thing as bisexual people, ika nga ni Alex, only easy ones.

  6. 6 C

    uhmm,

    makikisawsaw po.

    he’s easy. hehe

  7. 7 mabidavid

    Lupeeet. Minggoy is that you?

  8. 8 Anonymous

    ang umiibig na leon


Leave a Reply