02.10.10
Blangko
Sinusubukan kong may makita sa iyo subalit blangko ang isip ko sa sandaling ito ngunit agad din namang pinatutunayan ng mga salitang ito na ngayon ay isinusulat ko na hindi blangko ang isip ko—bagama’t maraming pagkakataong gaya nitong sini-signify (hindi ko matukoy ang signify sa Filipino sa sandaling ito) nitong sinusundan nitong em-dash na tila nabablangko nga ang aking isipan; tinitingnan kita para sa ehersisyong ito, ikaw na maskarang mukhang walang sinasabi sa iyong pagkakanganga, sa iyong pagkakamulaga, sa iyong katangi-tanging anyo na agad kong matutukoy na sa kakaibang nilalang—ano nga ba ang makukuha ko sa pagtingin sa iyo kundi ang sariling isip na maaaring bumabalik/nagbabalik ng tingin sa akin at idinidikta ang mga salitang ito na mabigat na isinusulat ng nanginginig kong mga kamay, nanginginig dahil sa naninibagong sumulat—humawak ng panulat.
02.08.10
Guho
Dahil sa natuklasang hindi sa iyo
ang daigdig, gumuho
ang iyong daigdig. Ang iyong daigdig
na dahil hindi sa iyo
gumuho hindi dahil sa iyo.
Nakatindig ka sa ngayon
sa daigdig na sa wala nakatindig.
